Akademikong Tulong Ng Internet at Social Media Sa Mga Mag-aaral
”Internet at social media sa kasalukuyan, sa pag-aaral ay tunay na maaasahan.”

Makabagong henerasyon, makabagong teknolohiya. Sa kasalukuyang panahon, ito ang nasasaksihan natin sa araw-araw nating pamumuhay. Dahil sa teknolohiya, mas napapadali ang ating mga gawain. Malaki ang naitutulong nito sa bahay, trabaho at maging sa pag-aaral. Malaki ang nagiging epekto nito sa paghubog ng kaisipan ng mga taong gumagamit nito.
Ang internet ay itinuturing na pinakamalaking aklatan na hindi mapapantayan ng kahit anong libro at ang may pinakamalaking impluwensiya na produkto ng teknolohiya. Ito ang palaging ginagamit ng mga tao sa kasalukuyan. Social media naman ang ginagamit ng karamihan lalo na ang mga kabataan upang magsilbing tulay sa pakikipagugnayan sa ibang tao.
Sa panahon ngayon, laganap sa lipunan ang paggamit ng internet o social media, lalong lalo na sa mga kabataan. Malaki ang naitutulong nito sa trabaho at edukasyon. Kung dati rati ay kinakailangan pang pumunta sa mga silid-aklatan upang manaliksik ng impormasyon, ngayon ay mas madali na ang proseso nito sa pamamagitan ng isang pindot lamang sa kompyuter. Kung komunikasyon lang rin naman ang kailangan, mas madali itong maisasagawa sa pamamagitan lamang internet at social media. Ilan lamang ito sa mga tulong na naibibigay ng internet st social media sa mga tao lalo na sa mga mag-aaral.
Namulat tayo sa panahon kung saan ang makabagong teknolohiya ay bahagi na ng ating araw araw na pamumuhay. Sanay tayo na isagawa ang mga bagay sa pinakamadali at pinakamabilis na paraan gaya nalamang ng paggamit ng internet at social media. At para sa mga kabataan, ito ay mahalaga sapagkat ito ang ginagamit upang magkaroon ng mabisang paraan ng pag-aaral. Naiimpluwesiyahan tayo sa bawat impormasyon na ating nababasa, napapanood o nakikita rito. Mabilis na naikakalat ang mga impormasyong nais iparating sa ibang tao. Bukod sa madaling proseso sa paggamit nito, maraming tao ang tumatangkilik ng internet at social media kaya naman mas nagiging madali ang pagkalat ng mga impormasyon.
Internet ang ginagamit upang mas maunawaan ng mga mag-aaral ang kanilang mga aralin. Bukod sa paggamit nila ng libro, nakakakuha rin sila ng bagong kaalaman sa internet. Ito ay dahil maraming tao ang nagnanais magpakalat ng impormasyon sa pamamagitan ng internet upang magbahagi ng kanilang kaalaman. Pero kadalasan, maraming tao ang lumalampas sa kanilang limitasyon at umaabuso sa paggamit ng internet kaya naman maraming tao rin ang naaapektuhan nito.
Narito ang ilan sa mga ginagamit ng mga mag-aaral upang makatulong sa kanilang pag-aaral:

-
Google
Isa sa pinakaginagamit ng mga mag-aaral ang Google sapagkat sinasabing nasasagot nito ang halos lahat ng katanungang nais hanapan ng kasagutan. Kahit sa simpleng salita na ilagay sa search box, napakaraming impormasyon ang lumalabas dito, halos lahat ng maaaring matagpuan na may kaugnayan sa nais hanapin ay naroroon na. Maaari rin na maging tulong ito sa bokabularyo ng isang mag-aaral sapagkat nakikita rin ang kahulugan ng isang salita pati na rin ang kasalungat na ibig sabihin nito. At dahil sinasabing napakadali lamang ng proseso ng pananaliksik gamit ang Google, maaasahang walang oras na masasayang dito.

-
Facebook
Facebook naman ang ginagamit ng halos lahat ng mag-aaral sapagkat marami itong aspeto na makatutulong sa kanila. Katuwang pa nito ang Messenger na pwedeng magsilbing tulay para sa komunikasyon ng mga mag-aaral. Masasabing malaki ang tulong ng Facebook at Messenger sa mga mag-aaral sapagkat ito ang ginagamit nila sa pakikipagugnayan sa kanilang kapwa mag-aaral. Sa pamamagitan nito, maaari silang magusap-usap hinggil sa kanilang pag-aaral pati na rin sa mga proyekto na kinakailangan ang kooperasyon ng bawat isa. Dito sila nakakapagbahagi ng kanilang kaalaman kahit na hindi sila magkakasama sa isang lugar.

-
YouTube
Isang paraan pa para sa mabisang pag-aaral ay ang paggamit ng mga biswal at grapikong materyal upang magsilbing gabay sa pag-aaral at para mas payabungin pa ang kaalaman ng mga mag-aaral. Sa mga ganitong usapin, nagiging kapakipakinabang sa mga mag-aaral ang Youtube. Hindi lamang ito para magbigay ng aliw sa mga manonood kundi pati na rin linangin ang pag-iisip ng mga mag-aaral para sa mas mabisang pagkatuto.
May iba pang paraan sa internet at social media upang makatulong sa mga mag-aaral:
-
School/University websites.
Sa pamamagitan nito, maaaring ilagay ang detalye ng paaralan nang makakahanap at makakapili ang mga mag-aaral ng paaralan na gusto nila.
-
Blogs
Ang paggamit ng blogs ay may malaking tulog para sa mga mag-aaral sapagkat maaari silang makakita ng mga artikulo na puwedeng maging sanggunian para sa mga takdang aralin at iba pang gawain.
Napakaraming tao ang gumagamit ng internet at social media kaya naman nararapat lamang na gamitin ito sa tamang paraan at hindi para manloko ng ibang tao. Iba’t iba rin ang kanilang pamamaraan sa paggamit nito ngunit ang mahalaga ay nakakapagbigay ng awtentikong imporasyon, aliw at aral sa mga nakakakita nito. At dahil napakalaking tulong nito para sa edukasyon ng mga mag-aaral, huwag nating abusuhin ang paggamit nito at bigyan natin ng limitasyon upang walang taong maperhuwisyo.
Sources of picture/s and GIF/s:
https://www.contentplum.com/blog/social-media-for-educational-purposes/
https://tenor.com/search/facebook-gifs
https://giphy.com/gifs/new-youtube-logo-13Nc3xlO1kGg3S
https://giphy.com/gifs/google-logo-redesign-xTiTnoUnHxVaaVNWhO
